Linya 323-400

Posted by The Pelican Spectator

Ang tanging kinang sa aking
Namumugtong langit. Isang hapon
Ng Disyembre, sa kalagitnaan ng aking
Pagtataka sa langit ako ay nahimbing.
Napaniginipan ko ang aking sariling
Nagsusulat sa lilim ng isang toreng
Nilaspag ng sumasargong kidlat at ulan.
May kaunting liwanag bagamat makapal                         330

Ang ulap na nakabitin sa itaas                              
Ng bilangguang malawak. Patuloy pa rin
Ang pagdurugo ng pluma at pagtawag
Ng talinghaga, nang sa aking pagbiling,
Sa aking paglingat, walang anu-ano’y
Yumanig ang lupa. Tumubo ang Salita
Mula sa hukay ng akda, umusbong
Ang mga dahong yari sa metapora.
Tumayog, gumapang sa hangin
At saka tumusok sa maitim at                                       340

Buru-burungkol na mukha ng himpapawid.
Hinawi ng habagat ang mabibigat na ulap       
Na nagsilbing tabing sa madugong entablado
Ng marahas na mundo, kung saan, bumungad
Sa aki’y walang iba kundi ito: nakita ko
Kung paano nabuwag ang mga misteryo
Ng kalangitan, anong linaw, anong banayad,
Anong hiwaga. Noo’y naghahabulan
Ang mga asteroida at nagbabanggaan
Ang mga planeta. Tipak-tipak ang mga                           350

Latak at buntalang nagtitilamsikan        
Sa kinakalawang na bagang ng
Nakatiwangwang na kalawakan.
Namasdan ko kung paanong
Sa isang saglit, unti-unting
Umasod ang Buwan at lumugar
Sa pagitan ng Araw at Mundo.
Nangamatay ang mga hanging
Lumalaboy sa kawalang-hanggan,
Nabulag ang mga nilalang, pumikit                                 360

Ang di na makataghoy na kalikasan,
Unti-unting nalansag ang dambuhalang
Pagitan, unti-unting nagwakas
Ang mahaba at nag-aalimpuyong
Tunggalian ng liwanag at kadiliman
Sa paglabnaw ng mga alab at pagputla
Ng mga tala. Sumuko ang init, sumuko
Ang tapang. Dahan-dahang umangat at sumuklob
Ang karimlan sa langit, at sa iisang iglap,
Ang lahat ay nanahimik.                                                      370

Tumigil ang mga pagkilos, ang lahat ng
Pag-inog, ang lahat ng panahon,  tayo’y
Naglangkap-langkap sa iisang gabinlid
Na liwanag sa gitna ng di-masukat na kawalan;
Ang lahat ng ating ligaya at kalungkutan,
Ang lahat-lahat sa ating alaala at lingid na kasaysayan
Ay nakasilid dito kasama ng mga batas
Ng pisika, grabitasyon at mga kasalanan. Ito ang
Panimula ng sining ng Lumikha. Ang pag-ibig
Ng Salita na siyang magpapanganak sa bagong yugto       380

Ng eternidad ay naghihintay na pakawalan
Ang Kanyang hiningang pipitik sa tuldok
Na naglalaman ng lahat ng bagay,
Mga bagay na natutunan nating mahalin,
Mga bagay na natutunan nating ituring
Na sentro ng ating pangarap at pagpupunyagi,
Tukop ng pusikit at imortal na palad. Natuklasan ko
Ang mga bersong itong lumalaboy sa rilim,
Ang mga bersong nagdurugtong sa wika
At sa pusod ng mga makata. Ito ang mga                          390
       
Bersong nagbibigay ng saysay
Sa walang-kahulugang siklo ng buhay
At kamatayan, sa paulit-ulit na siklo
Ng tagumpay, kabiguan at pagtubos,
Sa padaskol-daskol na pagtakbo ng
Oras at diwa. Ngunit sa pasimula’y naroon
Na ang Salita, nakamasid, nakahanda,
Sa muling pagdagundong. Nag-aapuhap
Kung saan itataga itong mga pambungad na kataga,
Na nasa aking katapusan ang ganap kong pagsisimula.         400

 



0 comments:

Post a Comment